Lider ng fraternity, sugatan sa boga

MANILA, Philippines — Sugatan ang isang lalaki na opisyal ng isang lokal na chapter ng isang fraternity makaraang barilin siya sa ulo ng isang hindi pa nakikilalang salarin, kamakalawa ng gabi sa Binondo, Maynila.

Kinilala ang biktima na si Rolito Funelas, 29, pangulo ng Tau Gamma Phi- Parola Community Chapter at nakatira sa Gate 54 Area C, Binondo, ng naturang lungsod.Sa ulat ng Binondo Police Station 11, naganap ang pamamaril dakong alas-7:40 ng gabi sa tapat ng bahay ng biktima.   Kapaparada pa lamang ni Funelas ng minamaneho niyang motorsiklo nang pumailanlang ang isang putok ng baril hanggang sa maramdaman niya na may tumama sa kanyang ulo.

Agad na nagpasaklolo si Funelas sa kanyang pamilya na nagsugod sa kanya sa Jose Reyes Medical Center kung saan agad siyang nalapatan ng atensyong medikal.

Isang saksi ang nakakita sa pangyayari at Blangko naman ang pulisya sa motibo sa tangkang pamamaslang habang isasailalim sa dagdag na pagtatanong si Funelas para magkaroon ng linaw ang imbestigasyon.  Partikular na aalamin kung may alam si Funelas na may galit sa kanya o iba pang maaaring dahilan para pagtangkaan ang kanyang buhay.

Show comments