Rider wasak ang mukha sa trak
MANILA, Philippines — Wasak ang mukha ng isang motorcycle rider makaraang masagi ng isang trak sa Sampaloc, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Inisyal na nakilala ang nasawi na si McNico Padua, 32, at residente ng Zamora St., Pandacan, ng naturang lungsod.
Sa ulat ng Manila Police District Traffic Enforcement Unit, naganap ang aksidente dakong alas-10:50 ng gabi sa kahabaan ng Southbound ng AH Lacson malapit sa kanto ng G. Tuazon Street, Sampaloc, ng naturang lungsod.
Nabatid na kagagaling lamang sa service road ng biktima sakay ng kanyang motorsiklo nang biglaan umanong magpalit agad siya ng linya sa AH Lacson Street patungo sa Nagtahan flyover.
Dahil dito, nasagi siya ng isang trak na nagresulta ng pagsemplang ng biktima at paghampas ng kanyang mukha sa aspaltadong kalsada.
Dahil sa walang helmet, agad na nasawi ang biktima dahil sa lubha ng pinsala habang tumakas ang hindi nakilalang salarin sakay ng kanyang trak. Dinala na ang labi ng biktima sa HPT Funeral Homes habang patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente.
- Latest