MANILA, Philippines — Tatlo pang bus routes sa Metro Manila ang binuksan kahapon ng Department of Transportation (DOTr).
Ito’y upang mapadali ang biyahe ng mga commuters na nahihirapang sumakay ngayong hindi pa tuluyang naibabalik ang lahat ng uri ng transportasyon sa lansangan dahil na rin sa umiiral pa ring general community quarantine (GCQ) dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon sa DOTr, kabilang sa mga naturang ruta na maaari nang masakyan ng mga commuters simula noong Huwebes ay ang Route 4 o North EDSA to Fairview; Route 6 o Quezon Avenue to EDSA Taft Avenue; at Route 16 o ang Ayala Avenue to FTI.
Nabatid na simula noong Hunyo 1, kung kailan inalis ang modified enhanced community quarantine (MECQ) sa Metro Manila, ay nasa 17 ruta na ang binuksan ng DOTr.
Bukod sa mga tren, pinapayagan na rin sa ilalim ng GCQ ang pagbiyahe ng point-to-point (P2P) buses, taxis, transport network vehicle services (TNVS), at public utility buses (PUBs) sa kanilang itinakdang ruta.
Gayunman, mahigpit ang paalala ng DOTr sa mga dri-ver at operator ng mga natu-rang sasakyan na kailangan silang sumunod sa ipinatutupad na istriktong health protocol para maiwasan ang hawahan ng COVID-19.
Anang LTFRB, ang unti-unting pagbubukas ng mga ruta ay base sa gradual, calibrated, at in phases approach na pinapairal ng pamahalaan sa pagbabalik-serbisyo ng pampublikong transportasyon.
Tiniyak nito na araw-araw ang isinasagawang adjustment ng pamahalaan upang matulungan ang mga commuter, ngunit sa pamamaraang hindi malalagay sa alanganin ang kanilang kalusugan at kaligtasan.