MANILA, Philippines — Dahil sa umiiral na general community quarantine (GCQ) sa ibang lugar kung saan may ilang pampasaherong sasakyan na ang pinapayagang pumasada, iginiit ng Alliance of Concerned Transport Organizations (ACTO) sa operator ng mga pampasaherong jeep na ibaba ang boundary sa arawang pasada ng mga driver .
Sinabi ni ACTO Pesident Efren de Luna, dahil sa umiiral na mga patakaran, bababa ang kita ng mga driver kayat dapat maibaba din ng mga public utility vehicles ang boundary ng mga ito dahil sa kakaunting bilang lamang ng pasahero ang pinapayagang isakay sa ilalim ng GCQ.
“Sa nakikita po natin, kung kalahati lang po ang ating isasakay, dapat magkaisa ang mga driver at operator na bawasan na lamang din ang binabayaran na boundary” pahayag ni de Luna.
Sa ilalim ng GCQ, pinapayagan ng DOTr ang pagpasada ng pampasaherong bus at jeep pero bawas kalahati ang dapat na isasakay nito upang maipatupad ang social distancing sa loob ng sasakyan at maiwasang mahawa sa COVID-19.
Binigyang diin ni de Luna na kung ibababa ang boundary, ok lamang sa mga driver na kumita ng P200 hanggang P300 halaga sa araw na pasada basta’t may maiiuwi lamang sa kani-kanilang pamilya para may magamit na pantustos sa kanilang arawang gastusin.