Hard lockdown sa Sampaloc
MANILA, Philippines — Umabot sa 130 kataong pasaway ang naaresto dahil sa paglabag sa hard lockdown sa Sampaloc, Maynila.
Sinabi ni Manila Police Station 4 Chief Police Lt. Colonel John Guiagui na sa loob lamang ng dalawang araw o 48-oras ay hindi pa natiis ng mga pasaway na residente ang manahimik sa kanilang mga bahay na ang iba ay nahuling lasing at amoy alak at naglalamyerda sa kalye.
Ang lahat ay mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 11469 (Bayanihan To Heal As One Act). Pansamantala silang tinipon at namalagi sa mga covered court na ginawang temporary holding facilities at inobligang panoorin ang mga video na magtuturo sa kanila sa magiging epekto ng paglabag sa enhanced community quarantine (ECQ) at pagkalat pa ng nakamamatay na coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Noong Abril 23 inutos ni Manila Mayor Isko Moreno ang pagsasailalim sa hard lockdown sa buong Sampaloc area upang mapigilan ang pagtaas pa ng bilang ng COVID-19 dahil ito ang may pinakamataas na kaso sa lungsod.