MANILA, Philippines — Inihayag kahapon ng pamunaun ng Department of Transportation (DOTr) na bawal ang mga provincial buses at mga pampasaherong jeepney na pumasok sa Metro Manila sa buong panahon ng ipinatutupad na isang buwang community quarantine.
Ayon kay Transportation Undersecretary Artemio Tuazon Jr., maaari naman aniyang ibaba ng lahat ng provincial buses at jeeps ang kanilang mga pasahero sa labas ng Metro Manila, at saka na lamang sasakay ang mga ito ng mga city buses at jeeps upang makapasok sa metro.
Paliwanag ni Tuazon, may mga checkpoints sila sa lahat ng entry points ng Metro Manila na binabantayan ng mga pulis kaya’t hindi rin aniya basta makalulusot ang mga naturang provincial vehicles.
Nabatid na ang mga magmumula sa Northern Luzon, ang drop-off point ay sa Bocaue, Bulacan, habang ang drop-off point naman ng mga mula sa Southern Luzon ay Sta. Rosa, Laguna.
Pagbaba umano ng mga pasahero mula sa provincial buses at jeeps, ang mga pasahero ay isasailalim sa temperature check sa mga checkpoints bago sila tuluyang makasakay sa mga city buses at mga jeep.
Kailangan din aniyang magpakita ang mga ito ng katibayan na trabaho ang kanilang pakay sa Metro Manila, gaya ng certificate of employment at identification card ng kompanyang kanilang pinapasukan.
Ang mga provincial buses at jeep naman ay pababalikin na, at kahit yaong may mga terminal sa loob ng Metro Manila ay hindi rin muna papayagan.
Pinaalalahanan naman ng opisyal ang mga pasahero na sa labas ng Metro Manila naninirahan, na huwag nang pumasok sa Kamaynilaan kung hindi naman trabaho ang pakay nito.
Matatandaang nitong Linggo, Marso 15, ay sinimulan na ng pamahalaan ang implementasyon ng community quarantine sa National Capital Region (NCR), bilang bahagi ng pagsusumikap na matuldukan ang patuloy na pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.