MANILA, Philippines — Isang pintor ang hindi na nagising makaraang matulog nang sobrang busog sa isang condominium tower sa Barangay Barangka Ilaya, Mandaluyong City kahapon ng madaling araw.
Sa ulat ng Mandaluyong City Police, dakong ala-5:30 ng madaling araw nang madiskubre ang bangkay ng biktimang si Jomar Garina, 34, sa loob ng warehouse ng Podium B, Axis Residence Tower 2, Robinsons Cybergate Complex, Pioneer Street, Barangay Barangka Ilaya.
Nabatid na ang biktima ay nagtatrabaho bilang pintor at stay-in sa naturang establisimyento.
Mismong ang bayaw at kasamahan sa trabaho ng biktima na si Jayson Matotilla, ang nakadiskubre sa bangkay.
Ginigising umano ni Matotilla ang biktima upang gumayak na sa pagtatrabaho ngunit hindi na ito magising pa.
Nabatid na huling nakitang buhay ang biktima dakong 9:00 ng gabi ng Pebrero 21 habang sarap na sarap na kumakain ng isaw at sisig bago tuluyang natulog.
Hinihinalang dahil sa kabusugan kaya binangungot ang biktima pero nagsasagawa pa ng imbestisyon ang pulisya para mabatid kung may foul play sa pagkamatay ng biktima.