SITG binuo sa ambush-slay ng Talitay Mayor
3 anggulo sinisilip
MANILA, Philippines — Bumuo na ang National Capital Region Police Office (NCRPO) ng Special Investigation Task Group (SITG) kaugnay sa ambush-slay ni Talitay, Maguindanao Mayor Abdul Wahab Sabal na pinagbabaril at napatay sa ambush sa Malate, Maynila noong Lunes ng gabi.
Sa press briefing sa Quezon City Police District (QCPD) Station 10, sinabi ni NCRPO Director Police Brig. Gen. Debold Sinas na kabilang sa mga anggulong sinisilip sa pagpatay kay Sabal ay ‘rido’ o away ng mga maiimpluwensyang mga angkan sa Mindanao, pulitika at illegal na droga.
“We are looking on rido unless otherwise the family refute us kasi very colorful din ang background nitong pamilya nito roon sa Mindanao, so we are looking on that possibility, unless otherwise yung family has this different ideal”, anang opisyal.
Ayon kay Sinas ang SITG Sabal ay pinamumunuan ni Manila Police District (MPD) Director Brig. Gen. Bernabe Balba na siyang magsasagawa ng malalimang imbestigasyon sa kaso upang maresolba ang krimen sa lalong madaling panahon.
Inihayag ng NCRPO director na hawak na nila ang kopya ng CCTV footage sa crime scene kung saan nakunan ang gunman na siyang bumaril sa alkalde.
“Nakita run sa CCTV na ‘yung taong bumaril sa kanya ay naglakad galing sa kabilang kalye, kaya ang nahagilap ng CCTV ay ‘yung papunta roon, walang feedback na sniper”, anang opisyal na sinabing M16 rifle ang ginamit sa pamamaril at nagtamo ng dalawang tama ng bala sa katawan ang alkalde.
Si Mayor Sabal ay kontrobersyal na sinasabing nasa narcolist din ni Pangulong Rodrigo Duterte at umano’y may kinalaman sa madugong Davao bombing noong Oktubre 2016.
Magugunita na si Sabal ay nagtungo sa Maynila na dumalo sa Local Chief Executive Meeting na ipinatawag ng punong ehekutibo bago nabaril sa harap ng Mannra Hotel sa kaniyang tinutuluyan sa Malate, Manila.
- Latest