MANILA, Philippines — Paglabag sa ‘no helmet’ ang pagsita sa isang 29- anyos na rider na nauwi para sampahan ito ng kasong carnapping matapos matuklasan na ang nawawalang motorsiklo ng isang pulis ang kaniyang minamaneho sa Sta. Mesa, Maynila, kamakalawa.
Nakapiit na sa Manila Police District-Station 8 ang suspek na kinilalang si Mikhael Flores, residente ng Teresita St., Bustillos, Sampaloc, Maynila.
Sa ulat ni P/ Capt. Jake Arcilla, block.commander ng V. Mapa Police Community Precinct (PCP) dakong alas-11:15 ng tanghali nitong Pebrero 13 nang sitahin ang suspek sa panulukan ng V. Mapa at Sarmiento Sts., ng grupo nina P/ Patrolman Louie Rens Crisostomo at 2 iba pa.
Walang suot na helmet at wala ring naipakitang driver’s license ang suspek kaya pinigil sa nasabing PCP. Bineripika ang motorsiklo na natuklasang nakarehistro sa pangalan ni P/Patrolman Christopher Diamzon na nakatalaga rin sa MPD-Station 8.
Nabatid na noong nakaraang Pebrero 10, sa pagitan ng alas-11:55 ng gabi hanggang alas-3:10 ng madaling araw nang mawala ang motorsiklo ng pulis sa JP Laurel St.,sa San Miguel, Maynila, na ayon sa blotter ay isang Yamaha Mio sport na 125 CC na kulay puti na model 2017.
Nai-turn over na sa MPD-Anti-Carnapping and Hijacking Section ang suspek para sa pagsasampa ng kasong carnapping.