MANILA, Philippines — Patay ang isang 5-anyos na paslit habang sugatan naman ang kuya nito makaraang mabundol sila ng isang armored van habang ang magkapatid ay papasok sa eskuwela sakay ng bisikleta sa Tondo, Maynila, iniulat kahapon.
Sa naantalang ulat ng Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU), naganap ang insidente alas-12:45 ng hapon sa intersection ng Juan Luna at Capulong Sts., sa Tondo.
Kinabukasan, ipinabatid ng ama na si Antonio R. Calderon Jr., kay P/Staff Sgt. John Mark Estrada, ng MDTEU, na ang idineklarang patay na Emergency Room Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) ang 5-taong gulang na si Jay-C Calderon dakong alas 10:00 ng gabi .
Nagtamo naman ng sugat at galos ang nagmaneho ng bisikleta na si C-Jay Calderon. 12-anyos.
Naka-angkas sa harapang bahagi si Jay-C nang mabundol ng armored van na may plakang WJA 987 ang kaliwang bahagi ng bisikleta kung saan pumailalim pa sa van si Jay-C at nakaladkad.
Naisugod naman sa nasabing pagamutan ang magkapatid subalit hindi na nakaligtas sa kamatayan ang nakababatang Calderon.
Nakapiit sa MDTEU detention facility ang driver ng van na si Simplicio calma Jr., na posibleng maharap sa reckless imprudence resulting in homicide, slight physical injuries at damaged to properties.