Lalaki na nag-amok, nakumpiskahan ng P200K shabu
MANILA, Philippines — Higit sa P200,000 halaga ng shabu ang nasabat ng mga pulis buhat sa isang lalaki na unang inaresto makaraang mag-amok at manghabol ng patalim sa tapat ng isang supermarket sa may Monumento, Caloocan City, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ang nadakip na si Lito Reyes, 40, jeepney driver ng BMBA Compound, 2nd Avenue, East Gracepark, Brgy. 120, ng naturang lungsod.
Sa ulat ng Caloocan City Police, alas-5:25 ng hapon nang rumesponde ang mga tauhan ng Mobile Patrol Unit sa ulat na isang lalaki ang nag-aamok sa harapan ng Jackman Plaza sa may Rizal Avenue Extension, Monumento, Brgy. 88, ng naturang lungsod.
Dito naabutan ng mga pulis si Reyes na nagwawala at may hawak na patalim na iwinawasiwas sa mga tao sa lugar. Nang makalingat, nakatiyempo ang mga pulis na madakma ang suspek at tuluyang naposasan.
Nadiskubre sa posesyon ng suspek ang 12 plastic sachet ng hinihinalang shabu na may timbang na 34 gramo at may halagang P231,000 at isang maliit na timbangan.
Nakakulong ngayon ang suspek sa Caloocan City Police Detention Center at nahaharap sa mga kasong Alarm and Scandal, Illegal Possession of Deadly Weapon at Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sa Caloocan City Prosecutors Office.
- Latest