Mister na hihiwalayan ng misis, nagbaril sa sentido

Ayon kay P/SSgt. Anthony R. Tejerero ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), dakong alas-7:15 ng gabi (December 25) nang magbaril ang mister na si Ariel Alfonso, 54, sa loob ng kanilang tahanan sa Blk. 19, Lot 15, AMAIA Series, Brgy. San Agustin, Novaliches, QC.

MANILA, Philippines — Isang mister ang nagbaril sa kanyang sentido makaraang hindi matanggap ang pakikipag-hiwalay ng kanyang misis na naganap sa Quezon City, kamakalawa ng gabi.

Ayon kay P/SSgt. Anthony R. Tejerero ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), dakong alas-7:15 ng gabi (December 25) nang magbaril ang mister na si Ariel Alfonso, 54, sa loob ng kanilang tahanan sa Blk. 19, Lot 15, AMAIA Series, Brgy. San Agustin, Novaliches, QC.

Una rito, masaya uma­nong ipinagdiwang ng pamilyang Alfonso sa labas ng kanilang tahanan ang Pasko, nang mapansin ng anak ng nasawi na nakikipag- chat ang kanyang ama kaya isinumbong niya ito sa kaniyang ina na si Emillie.

Subalit hindi pa man nakokompronta ni Emillie ang mister ay nagyaya na itong umuwi bagama’t masaya pang nagdiriwang ang kanyang pamilya.

Habang papauwi ay kina­usap ni Emillie ang mga anak na nagdesisyon na siyang hiwalayan nito ang kanilang ama.

Pagdating sa bahay ay agad na kinuha ng nasawi ang kaniyang cal. 22 sa drawer at pinagbantaan ang kaniyang pamilya habang nakatutok ang baril.

Nang makita ito ng anak na lalaki ay tinangka nitong dakmain mula sa likuran ang hawak na baril ng ama.

Pero agad na pinalo ni Ariel ng baril ang anak saka mabilis na ipinutok sa kaniyang kanang sentido.

Nang duguang bumagsak ang ama ay mabilis na humingi ng saklolo ang pamilya nito sa mga opisyal ng barangay at isinugod sa Commonwealth Hospital subalit idineklara itong dead-on-arrival ni Dr. Claire Bansuelo, bandang alas-7:46 ng gabi.

Nakuha ng SOCO team sa crime scene ang isang colt cal. 22 revolver na loaded ng limang bala.

Show comments