Korean national dawit sa cyber fraud, timbog sa NAIA
MANILA, Philippines — Nasabat ng mga tauhan ng Bureau of Immigration sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA ) ang isang Korean fugitive na wanted sa Seoul dahil sa pagkakasangkot sa cyber fraud.
Sa ulat na ipinadala ni BI port operations division chief Griftohn Medina kay Immigration Commissioner Jaime Morente nakilala ang nadakip na si Yun Kyungmin, 36, na nasabat kamakailan sa NAIA Terminal 2.
Nabatid na nakatakdang magtungo si Yun pa-Hong Kong nang arestuhin ng mga tauhan ng immigration matapos na makita ang kanyang pangalan sa Interpol’s database ng mga wanted na foreign fugitives.
Napag-alaman na si Yun ay subject ng red notice na inisyu ng Interpol noong Disyembre ng nakalipas na taon.
Kinansela ng kanyang bansa ang kanyang passport at inisyuhan ito ng warrant of arrest ng district court ng Daejeon, South Korea.
Si Yun ay inaakusahang nag-ooperate ng illegal call center sa Dalian, China na sangkot sa voice phishing activities.
Ayon sa Korean prosecutors sinasabing mula 2016 hanggang 2018, may 42 ng naging biktima si Yun at mga kasabwat nito.
Kung pagsasama-samahin ang nakulimbat na pera sa mga biktima ay tinatayang aabot ito sa 2.2 billion won o nasa US$ 2 milyon.
- Latest