Pulis dedo sa ambush

Nakilala ang biktima na si P/MSgt. Napoleon Zamora, 45, nakatalaga sa Regional Headquarters Support Unit ng National Capital Regional Police Office sa Camp Bagong Diwa, Taguig City at nakatira sa Block 42, Lot 4, Southville 3, Brgy. Poblacion, ng naturang lungsod.
STAR/ File

MANILA, Philippines — Utas  ang isang beteranong pulis makaraang tambangan ng apat na hindi nakilalang salarin habang sakay ang biktima ng kaniyang motorsiklo, kamakalawa ng gabi sa Taguig City.

Nakilala ang biktima na si P/MSgt. Napoleon Zamora, 45, nakatalaga sa Regional Headquarters Support Unit ng National Capital Regional Police Office sa Camp Bagong Diwa, Taguig City at nakatira sa Block 42, Lot 4, Southville 3, Brgy. Poblacion, ng naturang lungsod.

Sa ulat ng Taguig City Police, naganap ang insidente dakong alas-7:20 ng gabi sa kahabaan ng M.L. Quezon Street, Purok 1, Brgy. Bagumbayan, ng naturang lungsod.  Sakay ang biktima ng kaniyang Yamaha Nmax scooter at pauwi na ng kaniyang bahay matapos na dumalo sa Christmas party sa kaniyang unit sa kampo.

Nang makalayo sa kampo, dito na tinambangan ng mga salarin ang biktima na walang habas na pinagbabaril saka nagsitakas sa iba’t ibang direksyon nang matiyak na wala nang buhay ang kanilang target.

Bigo ang mga pulis na masakote ang mga salarin sa kanilang pagresponde.  Blangko pa rin naman sila sa motibo ng naturang pamamaslang na kasalukuyang isinasailalim pa sa masusing imbestigasyon.

Show comments