MANILA, Philippines — Apat na drug suspects ang inaresto ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) matapos na mahulihan ng may P1 milyong halaga ng shabu sa isang buy-bust operation sa lungsod, kamakalawa ng gabi.
Sa ulat na nakarating sa tanggapan ni QCPD Director, P/BGen. Ronnie Montejo, nakilala ang mga suspek na sina Jeth Russel Biatin, alyas Pandoy, 21; Gerry Roxas, 40, na kabilang sa watchlist ng Directorate for Intelligence (DI); RJ Viovicente, 32, at Antonio Neri, 42.
Nabatid na dakong alas-11:30 ng gabi nang maaresto ng mga tauhan ng Drug Enforcement Unit (DEU) ng PS-6 sa isang buy-bust operation ang mga suspek sa Sitio Gabihan, Brgy. Matandang Balara, matapos na bentahan ng P50,000 halaga ng shabu ang isang police poseur buyer.
Nakumpiska mula sa kanila ang humigit-kumulang sa 150 gramo ng shabu na tinatayang may street value na P1,020,000, gayundin ang cellphone na ginamit sa transaksyon at buy-bust money.
Samantala, bukod sa kanila, may 13 pang drug suspects ang naaresto ng mga awtoridad sa magkakasunod na operasyon ng iba pang SDEUs ng QCPD.
Ang mga suspek ay pawang nakapiit na at sasampahan ng mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 o The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.