NAIA, 12-oras isinara dahil kay Tisoy
MANILA, Philippines — Labindalawang oras na isinara ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na nagsimula sa alas-11 ng tanghali hanggang alas-11 ng gabi kahapon kaugnay sa pananalasa ng bagyong si Tisoy sa malaking bahagi ng bansa kabilang ang Metro Manila.
Kaugnay nito umabot sa 508 international at domestic flights sa naturang paliparan ang kinansela para na rin sa kaligtasan ng mga pasahero at maging ng mga eroplano.
Ayon kay MIAA general manager Ed Monreal, ito ang napagkasunduan nila ng Airlines operators at lahat ng stakeholders.
Ayon kay Monreal, dahil isinara nila ang paliparan lahat ng mga eroplano na dumarating at umaalis dito ay kinansela ang mga biyahe at may mga maliliit na eroplano rin ang inilipad sa ibang lugar para huwag maapektuhan sa bagsik at lakas ng hangin ni Tisoy.
Huling dumating at umalis patungo sa iba’t-ibang lugar ang eroplano ng PAL dakong alas - 9:30 ng umaga kahapon bago nila sinuspinde ang lahat ng kanilang mga international at domestic flights.
Nagdesisyon din ang management ng Air Asia na pansamantalang ialis sa NAIA at dinala sa mga ligtas na lugar ang kanilang mga eroplano dakong alas-10 ng umaga kahapon.
Sinabi ni Monreal, pinayuhan nila ang mga apektadong pasahero na huwag nang pumunta sa NAIA at sa halip ay makipag-ugnayan sa kanilang airline companies para sa kanilang rebooking at re-route option.
Nanawagan din sila sa mga apektadong mga pasahero na mag-log sa website o social media accounts ng kanilang mga airline.
- Latest