13 katao sugatan sa sunog
MANILA, Philippines — Labingtatlo katao ang iniulat na nasugatan habang nasa 2,000 pamilya naman ang nawalan ng tahanan sa walong oras na sunog na tumupok sa mga barung-barong sa Martinez St., Brgy. Addition Hills sa lungsod ng Mandaluyong nitong Biyernes, ayon sa opisyal kahapon.
Sa ulat ni Mandaluyong City Fire Marshal Supt. Christine Cula, wala namang nasawi sa insidente pero nasa 13 katao ang nagtamo ng bahagyang mga sugat sa insidente.
Nitong Sabado, nanawagan naman ng tulong ang mga pamilyang nasunugan partikular na ng mga damit at pagkain kung saan pansamantala ang mga itong nanunuluyan sa covered court sa kanilang lugar.
Ayon sa mga ito, lubha silang nagdadalamhati dahil magpa-pasko na ay nawalan pa sila ng tahanan.
“Kapapanganak ko lang, caesarian ako, yung baby ko itong suot na damit lang niya meron siya, wala kaming naisalba, humihingi kami ng tulong sa mga kababayan nating may puso,” maluha-luhang pahayag ng isang ginang na nagpakilala sa pangalang Azel Bon.
Bandang alas-3:15 ng hapon nang magsimula ang sunog na itinaas sa Task Force Alpha matapos ang isang oras.
Ang sunog ay nagsimula sa bahay ng isang Marie Biada na mabilis na kumalat at tumupok sa mga kabahayan ng 2,000 pamilya sa nasabing slum areas sa lugar.
Nagresponde naman ang mga bumbero at idineklarang under control ang sunog matapos ang pitong oras habang ganap itong naapula bago maghatinggabi dakong alas-11:44 ng gabi.
Patuloy namang inaalam ng mga arson investigator ang sanhi ng sunog sa nasabing lugar at namahagi na rin ng relief goods si Mandaluyong City Mayor Menchie Abalos sa mga nasunugang pamilya.