MANILA,Philippines — Isang lalaki ang nasawi habang nasugatan naman ang tatlo katao matapos sumabog ang isang granada na sinasabing itinanim sa motorsiklo ng isang pulis naganap sa Brgy. Addition Hills, Mandaluyong City kahapon ng umaga.
Dead-on-arrival sa pagamutan si Roger Avila Barcelo, 37, residente ng Kapalaran St., Brgy. Barangka, Mandaluyong City, habang patuloy na nilalapatan ng lunas ang mga sugatang sina Rogelio Tolentino Jr., 32, ng 587 Guerrero St., Mandaluyong City; Merlina Gembaro, 52, ng 37 Welfareville Compound, Brgy. Addition Hills, Mandaluyong City; at Edwin Rodas, 34, construction worker sa Mandaluyong City Medical Center Annex.
Kasalukuyan namang inaalam ng mga otoridad ang nasa likod ng pagpapasabog ng MK 2 fragmentation grenade na itinanim umano sa makina ng Yamaha NMAX Motorcycle, na may MV File Number 0401-0196148, at pagmamay-ari ng talagang target ng pagpapasabog, na si P/SSgt Aldin Saligo, na nakatalaga sa Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Mandaluyong City Police.
Batay sa ulat, dakong alas-6:30 ng umaga sakay umano si Saligo ng kanyang motorsiklo upang magtungo sa kanyang puwesto para sa South East Asian Games (SEA Games 2019), na lingid sa kanyang kaalaman ay may nakatanim palang granada.
Habang binabagtas naman ni Saligo ang lugar ay napadaan siya sa humps sanhi upang mahulog ang granada at sumabog.
Hindi naman tinamaan si Saligo na kaagad na nakalayo sa lugar, at ang napuruhan ay ang mga biktima, na sakay ng kasunod niyang tricycle at ang iba naman ay naglalakad sa gilid ng kalsada.
Pinaniniwalaan namang may kinalaman sa trabaho ni Saligo ang insidente at ang may kagagawan nito ay ang mga taong nasagasaan sa kanilang mga operasyon laban sa ilegal na droga.