Container van kumalas sa truck, 3 sasakyan, tindahan wasak

MANILA, Philippines – Wasak ang isang tricycle, pick up, taxi at tindahan nang kumalas sa truck ang isang 60 footer container van kahapon ng madaling araw sa Anda Circle, Port Area sa Maynila.

Ayon sa Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU) naganap ang insidente dakong alas- 2 ng madaling araw sa nabanggit na lugar.

Nagkaroon naman ng mga galos at sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang tricycle driver na si Menancio Alfino, matapos na tumilapon.

Nalaman na kalalabas lamang sa Port Area ni Arman Merca­do, driver ng truck - nang kumalas sa lock ang 60 footer container  na may kargang medical supplies.

Kaagad naman dinala sa MDTEU si Mercado na dumipensa na hindi naman siya ang naglock sa container   pero napag- alaman na amoy alak ito.

Umabot naman ng alas-7 ng umaga bago tuluyang naalis ang container van na bumalagbag sa Anda Circle at naging sanhi ng pagsisikip ng daloy ng trapiko sa lugar.

 

Show comments