Police asset, tinepok
MANILA,Philippines — Hindi na naisalba pa ng mga doktor ang isang lalaking umano’y kilalang asset ng mga pulis matapos na barilin ng isang lalaking nakasuot ng bonnet sa Brgy. Hulo, Mandaluyong City kamakalawa ng gabi.
Nadala pa sa Mandaluyong City Medical Center ang biktimang si Felipe dela Rosa, alyas Pitok, 40, residente ng naturang lugar ngunit namatay din dahil sa tama ng bala sa ulo.
Sa initial report ng Mandaluyong City Police, lumilitaw na dakong alas-6:20 ng gabi habang ang biktima ay bumibili sa isang tindahan sa Grialte St., kanto ng San Francisco St., Brgy. Hulo nang bigla na lang dumating ang suspek at kaagad itong pinaputukan sa ulo.
Lumitaw sa imbestigasyon na isang police asset ang biktima at dati nang nakulong dahil sa paglabag sa Republic Act 9165 o The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ngunit hindi pa naman tiyak kung may kinalaman ito sa krimen.
Patuloy ang imbestigasyon sa kaso.
- Latest