‘Undaspot’ ng PDEA, umarangkada
Drug test muna, bago biyahe
MANILA,Philippines — Umarangkada na kahapon ang ipinatutupad na ‘Oplan Undaspot’ ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kung saan isinailalim nila sa surprise drug tests ang mga bus drivers sa mga bus terminal sa Pasay City at Cubao, Quezon City.
Ayon kay PDEA Director General Aaron N. Aquino, isinagawa nila ang naturang kampanya, katuwang ang Land Transportation Office (LTO) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasaherong bibiyahe at magsisiuwian sa kani-kanilang lalawigan ngayong Undas.
Nais din aniya nilang masigurong hindi makapagsasamantala ang mga illegal drug traffickers sa pagdagsa ng mga tao at abalang operasyon sa mga terminal upang makapagbiyahe ng ilegal na droga.
Sinabi ni Aquino na unang tinungo kahapon ng PDEA ang JAC Liner Bus Terminal at Philtranco, sa Pasay City; Partas Bus Terminal at Five Star Bus Terminal, sa Cubao, Quezon City, upang magsagawa ng surprise mandatory drug test sa mga drivers doon.
Nagsagawa rin aniya sila ng K9 sweeping upang matiyak na walang ilegal na droga ang mga bagahe ng mga pasahero.
Bantay-sarado naman ng mga awtoridad ang mga driver na isinailalim sa drug tests upang matiyak na hindi makakapandaya ang mga ito.
Samantala, nasa 33 nang bus drivers at mga konduktor ang nagpositibo sa droga.
- Latest