Marikina handa na sa Todos los Santos
MANILA,Philippines — Handa na ang seguridad na ipatutupad ng Marikina City Government sa limang sementeryo sa kanilang lungsod, upang matiyak ang kaligtasan ng mga mamamayan na magtutungo roon ngayong Undas.
Pinangunahan pa mismo ni Marikina City Mayor Marcelino ‘Marcy’ Teodoro ang pag-i-inspeksiyon sa Loyola Memorial Park, Barangka Municipal Cemetery, Aglipay Cemetery, Holy Child Cemetery, at Our Lady of Abandoned (OLA) upang matiyak na malinis at nakumpuni na ang mga ito para na rin sa inaasahang pagdagsa ng mga mamamayan na bibisita sa mga puntod ng kanilang mga yumaong mahal sa buhay.
Sinabi ng alkalde na tatlong linggo pa bago ang Undas ay sinimulan na nila ang paghahanda para sa All Saints’ at All Souls’ Day.
Aniya, bumuo sila ng “Oplan Undas” Task Force na pinamumunuan ni Councilor Manny Sarmiento, at binubuo ng mga miyembro mula sa Marikina City Police, Office of Public Safety and Security (OPSS), City Health Department, City Disaster Risk Reduction and Management Office -Marikina Rescue 161, Bureau of Fire Protection, barangay officials at iba pang concerned departments na siyang magbabantay sa mga sementeryo.
Bukod aniya sa ipagkakaloob na seguridad ng mga pulis sa mga sementeryo at iba pang vital installations sa lungsod, ay naghanda na rin sila ng traffic rerouting schemes upang maiwasan ang pagsisikip ng daloy ng trapiko.
Pinaalalahanan naman ng lokal na pamahalaan ang publiko na iwasang magdala ng mga ipinagbabawal na bagay sa loob ng sementeryo, gaya ng baril o armas, patalim at iba pang bladed weapons, nakalalasing na inumin, gambling paraphernalia, at loudspeakers.
- Latest