Demolition team sinalubong ng bote at bato
MANILA,Philippines — Naudlot ang sinimulang demolisyon sa pribadong lote na tinayuan ng mga kabahayan nang atakehin ng mga bote ang demolition team sa Barcelona St. sa panulukan ng Lavesarez St., sa Binondo, Maynila, kahapon ng hapon.
Alas-2:00 ng hapon nang tunguhin ng nasa 100 miyembro ng demolition team ang lugar na kinatatayuan ng kabahayan upang paalisin ang mga residente at gibain ang mga istruktura subalit bago pa makalapit ay pinaulanan sila ng mga bote at bato.
Hindi kinilala ng mga residente ang bitbit na demolition order sa lupang pag-aari umano ng isang Dolores Relinggo.
Bukod sa pambabato ng mga bote at bato ay lalo pang nagpatindi sa tensiyon ang paghagis ng molotov bomb sa direksiyon ng demolition team at mga tauhan ng Manila Police District (MPD).
Bunga nito, hindi na itinuloy ang demolisyon.
Ilan sa tauhan ng demolition team ang nasugatan dahil sa dami ng bubog sa kalye na nagmula sa mga nabasag na bote.
Nilinaw naman ng Manila City Engineering office na hindi naman nila saklaw ang demolisyon sa nasabing pribadong lupain.
Inaasahang magkakaroon muna ng pag-uusap sa pagitan ng mga opisyal ng barangay na nakasasakop sa lugar at sa may-ari na si Relinggo.