Baklang beautician sinaksak sa dibdib ng babaeng hairstylist

MANILA, Philippines — Hindi umubra ang isang baklang beautician sa isang babaeng hairstylist makaraang tarakan siya ng suspek sa dibdib gamit ang isang basag na bote kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.

Unang isinugod sa Caloocan City Medical Center bago inilipat sa Valenzuela City General Hospital ang biktimang si Milandro Alcantara, 37, nakatira sa Block 80 Lot 6 Phase 3C, Kaunlaran Village, Brgy. 22 ng naturang lungsod.  Nadakip naman ang suspek na si Sheryl Escanilla, 32, nakatira sa parehong lugar.

 Sa ulat ng  Caloocan City Police, naganap ang insidente sa loob ng pinapasukang parlor ng dalawa sa may Block 8C Lot 6 Phase 3C Kaunlaran Village ng naturang barangay dakong alas-9:00 ng gabi.

 Nabatid na unang nagtalo ang dalawa na hinihinalang dahil sa sulutan sa kustomer.  Sa gitna ng pagtatalo, nagkaroon ng asaran at panlalait sa kani-kanilang kakayahan bilang beautician dahilan para magkapikunan.

 Dito nakadampot ng bote si Escanilla na kanyang binasag sa pader na dingding saka iti­narak sa dibdib ng biktima. 

 Naaresto naman ng mga rumespondeng barangay tanod ang suspek na isinuko sa pulisya.  Nahaharap siya ngayon sa kasong Frustrated Homicide.

Show comments