Rolbak naman sa petrolyo ipapatupad
MANILA, Philippines – Makaraan ang mga batikos dahil sa big-time na oil price hike nitong nakaraang Martes, inaasahan naman na magpapatupad ng higit sa pisong rolbak ang mga kompanya ng langis ngayong darating na linggo dahil sa pagbabalik sa normal ng suplay ng krudo sa pandaigdigang merkado.
Base sa kalakalan ng langis mula Setyembre 23-24, posibleng bumaba ang presyo ng gasolina mula P1.07 hanggang P1.60 kada litro at sa diesel mula P.35 hanggang P.75 sentimos kada litro.
Dulot ito ng pagbaba ng average na presyo ng isang bariles ng krudo sa US$62.262 mula sa $63.06 noong nakaraang linggo.
Ibabase rin ang galaw sa presyo sa Means of Platts Singapore (MOPS) na nagtatakda ng arawang average sa presyo ng langis base sa transaksyon ng mga buyers at sellers.
Magiging pinal naman ang pagbabago sa presyo ng petrolyo sa Pilipinas sa “cut-off” ng kalakalan nitong Biyernes at inaasahan na ipatutupad ang rolbak sa darating na Martes.
Nitong nakaraang linggo, isang malaking oil price hike ang ipinatupad ng mga kompanya ng langis dulot ng pagsalakay sa mga planta sa Saudi Arabia.
- Latest