MANILA, Philippines — Hinikayat ng Quezon City Task Force for Transport and Traffic Management ang mga mall owners na malalapit sa residential areas sa lungsod na buksan ang kanilang parking spaces para makapag-overnight pay parking ang mga motoristang walang garahe ng kanilang sasakyan.
Ito ayon kay Atty Ariel Inton, hepe ng Task Force ay upang maiwasan ng mga motorista na gamitin ang kalsada bilang kanilang garahe sa magdamag.
Sa pamamagitan aniya ng pagbubukas ng mga malls para mag-overnight pay parking ang mga motoristang walang garahe ay maiibsan ang pagsisikip ng mga kalsada sa lungsod. Tumitindi aniya ang traffic sa mga kalsada dahil sa nakaparadang mga sasakyan ng mga residenteng walang garahe ang kanilang mga sasakyan.
“Iminumungkahi ko ito sa mga malls na malalapit sa mga residential areas para hindi ginagamit na parking ang mga kalsada, ay payagan mag-overnight pay parking sa mga parking spaces nila ang mga sasakyan after mall hours up to 7-AM,” pahayag ni Inton.