MANILA, Philippines — Isang modelo na sinasabing grand finalist ng ‘Gandang Lalake’ ng isang noontime show at kanyang kasamang babae ang naaresto kung saan nasamsam sa mga ito ang P1-milyong halaga ng cocaine at ecstasy ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa isinagawang buy bust operation sa Taguig City, kahapon ng umaga.
Kinilala ni PDEA Director Gen. Aaron Aquino ang dalawang suspek na sina Aaron Cruz, 25, at Geraldine Vitto, 22.
Nabatid na si Cruz ay isang freelance commercial model at endorser ng iba’t ibang produkto.
Ayon sa PDEA, matagal na umanong sinusubaybayan si Cruz dahil sa kanyang ilegal na gawain hanggang matiyempuhan ito dakong alas-5:30 ng madaling araw at isinagawa ang buy-bust operation sa 36th St. Bonifacio Global City, Brgy. Fort Bonifacio, Taguig City.
Nabatid din na ang dalawang suspek ay kabilang sa mga supplier ng droga sa ilang artista.
Aminado naman si Vitto na sa kanya nakuha ang party drugs pero napag- utusan lang umano siya at pinadala ang order at hindi niya alam na droga ang kanyang dala.
Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang dalawang suspek.