6 suspek sa pagpatay sa kapatid ni Sen. Bong Revilla absuwelto
MANILA, Philippines — Pinawalang-sala ng isang huwes ng Parañaque City Regional Trial Court ang anim na akusado sa kontrobersyal na pagpaslang kay Ramgen Bautista, kapatid ni Senador-elect Ramon “Bong” Revilla Jr. noong 2011.
“Not guilty” dahil sa kawalan ng sapat na ebidensya ang hatol na ibinaba ni Parañaque RTC Branch 274 Acting Presiding Judge Betlle-Ian Barraquias kay Ramon Joseph Bautista, kapatid ni Ramgen.
Kasamang pinawalang-sala ang lima pang akusado na sina Michael Jay Nartea, Roy Francis Tolisora, Glaiza Visda, Jay Norwin dela Cruz, at Ryan Pastera.
Iniutos na ng korte ang pagpapalaya sa mga akusado habang naglabas ng “alias warrant of arrest” laban kay Ma. Ramona Belen Bautista na nanatiling nagtatago.
Pansamantalang ilalagay muna sa “archives” ang kaso laban kay Ramona at bubuhayin sa oras na siya ay maaresto.
Matatandaan na napaslang si Ramgen noong Oktubre 28, 2011 habang sugatan ang kanyang nobya na si Janelle Manahan nang pasukin ng mga salarin ang kanilang bahay.
Natuklasan sa imbestigasyon ng pulisya na nakipagsabwatan umano sina Ramon Joseph at Ramona sa ibang akusado sa pagpaplano sa pagpatay sa kanilang kapatid. Isinampa ang kaso laban sa kanila sa korte noong Nobyembre 3, 2011.
Sa bahagi ng desisyon ng korte, sinabi na hindi maaaring magkaroon ng sabwatan kung walang maipakikitang matibay na basehan laban sa mga akusado. Ang mga ebidensyang nakalap din ng mga pulis sa lugar ng krimen ay hindi matutukoy sa mga akusado.
- Latest