MANILA, Philippines — Isang taxi driver ang patay nang matagpuan sa loob mismo ng kanyang minamanehong taxi na hinihinalang biktima ng panghoholdap, kamakalawa ng gabi sa Pasay City.
Kinilala ang biktima na si Edgardo Egan, 54, na nagtamo ng mga saksak sa leeg at pisngi.
Blangko pa ang pulisya kung sino ang responsable sa pagpaslang sa biktima.
Sa report na natanggap ng hepe ng Pasay City Police na si P/Col. Barnard Yang, base sa kuha ng CCTV camera, naganap ang insidente alas- 9:00 kamakalawa ng gabi sa FB Harrison St., Brgy. 3, Zone 1 ng nabanggit na lungsod kung saan makikitang itinabi sa kalsada ang isang kulay puting taxi.
Hanggang sa natuklasan ng mga nagrorondang tanod na nakahiga at duguan at wala nang buhay ang biktima sa loob ng taxi.
Nabatid, na nawawala ang dashcam at cellphone ng biktima, ngunit narekober naman ang kanyang kinita sa pamamasada, na nakakandado sa lalagyan nito.
Hinala naman ng pulisya, posibleng hinoldap ang biktima.
Gayunman ayon sa live-in partner ng biktima na may naikuwento umano sa kanya dati si Egan na may hindi aniya pagkakaintindihan sa katrabaho nito.
Sa ngayon ay patuloy na nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya hinggil sa insidente para matukoy ang tunay na motibo sa krimen maging ang mga sangkot dito.