MANILA, Philippines — Nagkaroon ng aberya sa biyahe ng Light Rail Transit Line 1 (LRT-1) kahapon ng umaga habang ‘rush hour’.
Ilang minutong naantala ang biyahe ng LRT-1 partikular ang mga tren na galing Baclaran patungong Roosevelt, Quezon City.
Ayon sa control tower ng LRT-1, dakong alas-6:18 ng umaga nang unang mag-abiso ang isa sa kanilang operator na may technical problem ang isa nilang bagon kaya pinairal ang 15kph speed restriction.
Dakong alas-6:24 naman ng umaga nang tuluyang itigil muna ang operasyon ng mga tren mula Baclaran to Roosevelt.
Sinasabing isang bagon ng LRT-1 ang tumigil sa Northbound lane ng Blumentritt station kaya hinatak ito pabalik ng Depot.
Dahil sa aberya kaya nagdulot ng mahabang pila ng mga pasahero sa ilang istasyon ng LRT-1.