MANILA, Philippines — Patay ang isang pulis na nakatalaga sa Mobile Patrol Unit ng Navotas City Police Station matapos itong tambangan ng riding in tandem kung saan tinangay pa ng mga suspect ang motorsiklo at baril ng biktima, kamakalawa ng gabi sa Malabon City.
Nasawi noon din ang biktimang si P/Cpl. Alex Santa Ana Vitug, Jr., 33, ng Del Mar Subdivision, Llano, Caloocan City.
Sa imbestigasyon ni Malabon City Police homicide investigator P/Cpl. Michael Oben, naganap ang insidente alas-7:20 kamakalawa ng gabi sa panulukan ng Araneta Avenue at Tuazon St., Brgy. Potrero ng naturang lungsod.
Nabatid na lulan ang biktima ng kanyang motorsiklo patungo sa duty nito sa Navotas City Police Station, nang tambangan ito ng dalawang suspect na magkaangkas din sa isang motorsiklong walang plaka.
Nang matiyak ng mga suspect na wala ng buhay ang biktima, tinangay ng mga ito ang motorsiklo at service fire arm ng pulis at pagkatapos ay mabilis na tumakas sa hindi mabatid na direksiyon.
Blangko pa ang pulisya sa motibo at kung sino ang mga suspect habang nagsasagawa nang masusing imbestigasyon sa insidente.