MANILA, Philippines — Upang matiyak na magiging payapa ang pasukan ng mga mag-aaral sa Hunyo 3, nasa 7,000 pulis ang ikakalat sa Metro Manila ng pamunuan ng National Capital Regional Police Office (NCRPO).
Ayon kay NCRPO Director P/Major General Guillermo Eleazar, itatalaga ang mga pulis sa mga piling paaralan dahil sa hindi naman kayang i-cover ng kanyang mga tauhan ang lahat ng eskwelahan.
Tiniyak din ni Eleazar na may tamang koordinasyon ang pagtatalaga ng kanilang mga tauhan sa pamunuan ng mga paaralan lalo sa mga pribado at ekslusibo.
Bukod sa mga paaralan, ikakalat din ng NCRPO ang kanilang mga tauhan sa mga ruta patungo sa mga eskwelahan upang masawata naman ang pagsasamantala ng mga kriminal tulad ng mga holdaper, mandurukot, at swindler na target ang mga estudyante bilang bahagi na rin ng kanilang “crime prevention campaign”.
Samantala, inilunsad ng pamunuan ng Quezon City Police District (QCPD) ang “Ligtas Balik Eskwela” program para magbigay ng maayos at payapang seguridad sa mga estudyante na magbabalik-eskwela ngayong school year 2019-2020.
Ayon kay QCPD Dir. P/BGen Joselito Esquivel Jr., ready na sila sa pagbibigay ng seguridad para sa mga estudyante na magbabalik-eskwela sa Hunyo 3.
Sinabi pa ni Esquivel, nakalatag na ang kanilang mga security plans para sa “Ligtas Balik-Eskwela 2019”, pangunahin na rito ang pagpapakalat ng mga pulis malapit sa mga paaralan at mga lugar na natukoy na ‘crime prone areas’ para matiyak ang kaligtasan ng publiko, partikular ang mga mag-aaral.