Nakabaril at nakapatay sa 6-anyos
MANILA, Philippines — Patung-patong na kaso kabilang ang murder ang inirekomenda ng Caloocan City Prosecutor’s Office laban sa isang pulis-Caloocan na itinuturong bumaril at nakapatay sa isang 6-anyos na bata sa lungsod nitong nakaraang Linggo.
Sinampahan din ng mga kasong attempted murder, illegal possession of firearms at violation of the Omnibus Election Code ng Prosecutor’s Office si Police Corporal Rocky Delos Reyes, na pangunahing suspek sa pagkakapaslang sa anim na taong gulang na si Gian Habal.
Sa inquest proceeding, positibong kinilala ng mga kaanak ng biktima at ng isang saksi ang pulis na si Delos Reyes nga ang siyang bumaril sa bata. Tumanggi naman si Delos Reyes na sumagot sa piskal at humingi ng abogado.
Ayon sa unang kuwento ng suspek, nakabarilan daw niya ang tinutugis niyang drug suspek at hindi raw siya tiyak kung sino sa kanila ang nakabaril sa bata. Iginiit naman ng pamilya ng biktima na walang nakabarilan ang pulis.
Sa paunang imbestigasyon din ng Caloocan City Police, sinabi ni P/Colonel Restituto Arcanghel na tila hindi tatayo sa korte ang alibi ni Delos Reyes dahil sa walang nakakita sa lugar na may naganap na barilan habang siya lamang ang nakitang may hawak ng baril nang maganap ang insidente.
Narekober sa crime scene ang dalawang basyo ng caliber 45, na siya ring uri ng baril na gamit ni Delos Reyes. Hinihintay pa ang ballistics test para matukoy kung sa kanya nga galing ang mga bala maging ang autopsy report.
Sa rekord ng Caloocan City Police, nasampahan na rin noong nakaraang taon ng kasong indiscriminate firing si Delos Reyes sa isang birthday party.