MANILA, Philippines — Hanggang sa loob ng simbahan ay ‘di napigilan ang mainit na tunggalian ng magkapatid na Binay na sina Makati City incumbent Mayor Abby Binay at kapatid niyang si Junjun na tumatakbo rin bilang alkalde sa lungsod nitong Sabado ng gabi nang magbangayan ang dalawa sa isinagawang election forum.
Dakong alas-7:00 ng gabi nang simulan ang forum sa loob ng San Ildefonso Church sa Arnaiz St., Makati City na inorganisa ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) katuwang ang Commission on Election na kinatawan ni District 2 Comelec Office Joy Sabado.
Magkatabi pa ang magkapatid na Binay sa upuan at unang nagtalumpati si Abby at nagsabi sa kanyang mga kalaban na tigilan ang pagpapakalat ng kasinungalingan laban sa kanya.
Pagbalik niya ng upuan ay dito na nakitang mainit na nagtatalo ang magkapatid hanggang sa lumuhod pa si Junjun sa kanyang ate.
Nagawa naman silang mapaglayo ng kanilang ama na si dating Bise-Presidente Jejomar Binay at Makati City Police chief Pablo Simon habang pinalabas ng simbahan ang mga magugulong tagasuporta na nagsisigawan.
Kahapon, kapwa humingi ng tawad sa publiko ang magkapatid na Binay.
Iginiit ni Abby na may mga binitiwang masasakit na salita ang kanyang kapatid na hindi niya alam kung saan nanggagaling. Hiniling naman niya na magkaroon na umano ng “peace of mind” ang kapatid.
Ipinaliwanag naman ni Junjun na tumaas ang boses ng kanyang kapatid nang sabihan niya ito na hindi dapat binibigyan ng police security ang “number one drug lord of Makati”. Pinagbantaan pa umano siya nito na kakasuhan ng libelo.
Lima sa anim na kandidato sa pagka-alkalde ng Makati ang dumalo sa forum kabilang ang magkapatid na Binay, Rene Bondal, Wilfredo Talag at Ricky Yabut.