MANILA, Philippines — Umarangkada na ang Special Program for the Employment of Students (SPES) ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at ng Department of Labor and Employment (DOLE) para sa 250 estudyante mula sa 98 iba’t ibang eskwelahan.
Pinangunahan ni MMDA Deputy Chairman Frisco San Juan Jr. ang orientation at hinikayat ang mga estudyante na samantalahin ang oportunidad na ibinigay sa kanila ng SPES ngayong summer.
“Huwag ninyong sayangin ang oras sa paglilibang nang hindi ito nakakatulong sa inyong sarili. Gamitin ninyo ang oportunidad na ito habang bata pa kayo at madiskubre ang inyong galing,” ani San Juan sa mga SPES beneficiaries.
Sa ilalim ng programa, magtatrabaho ng 30 araw ang mga summer interns bilang administration clerks, computer operators, research assistants, records aides, messengers, engineering aides, data encoders, statistician aides, atbp.
Nagpaalala rin si MMDA Assistant General Manager for Finance and Administration Romando Artes sa mga estudyante na huwag lamang magpokus sa susuwelduhin kundi sa karanasang makukuha nila sa pagtatrabaho sa gobyerno.
Nasa kabuuang P16,110 ang matatanggap ng bawat SPES beneficiaries kapag nakumpleto nila ang isang buwang trabaho – 60% nito ay babayaran ng MMDA samantalang ang 40% naman ay magmumula sa DOLE.
Habang nagtatrabaho, maaaring matutunan ng mga estudyante ang mga mandato ng ahensya gaya ng traffic management, solid waste management, urban planning, health, public safety, environmental protection and flood control management, at public safety.
Ang SPES program na ngayon ay nasa ika-walong taon na ay joint project ng MMDA at DOLE na may layuning tulungan ang mga estudyante mula sa mahihirap na pamilya para na rin sa kapakinabangan ng bansa.