Pasahero ng LRT, kalaboso sa ‘bomba joke’

MANILA, Philippines — Arestado ang isang pasahero matapos magbiro na may bomba habang papasakay ito sa Light Rail Transit (LRT1) sa bahagi ng Gil Puyat Avenue Station sa Pasay City ka­makalawa ng gabi.

Nasa custody ngayon ng Pasay City Police ang suspect na si  Akbhar Ismael, tubong Basilan at residente ng  Libertad St., ng nasabing lungsod.

Ayon sa Pasay City Police, naganap ang insidente alas-8:58 ng gabi sa nabanggit na  istasyon ng LRT-1 habang nakapila at papasok ang suspect, nang magbiro at  sabihin nito na may bomba sa bag ng lalaki sa kanyang harapan.

Tiyempong narinig ito  ni Grace Paez, nakatalagang lady guard, dahilan upang  pigilin at arestuhin ito.

Kaagad namang  ininspeksiyon ni Paez ang dalang bag ng suspect, subalit wala naman nakuhang anumang uri nang pampasabog.

Agad namang dinala ang suspect sa Pasay City Police para isailalim sa imbestigasyon.

Bagama’t walang nakuhang pampasabog, sinam­pahan si Ismael ng kasong  paglabag sa PD 1727 o “bomb joke” sa Pasay City Prosecutor’s Office.

Show comments