Beybi natusta sa sunog

MANILA, Philippines — Isang tatlong buwang sanggol ang nasawi sa sunog na naganap sa  Pasay City kamakalawa.

Halos sunog na nang matagpuan ang bangkay ng sanggol na si Alex Cabil.

Ayon kay Supt. Paul Pili, fire marshal ng Pasay City Bureau of Fire and Protection (BFP), nagsimula ang sunog alas-5:27 ng hapon  sa Saint Francis St., Brgy. 178, Maricaban ng nabanggit na lungsod.

Kuwento ni Jordan, ama ng biktima iniwan niya ang kanyang mga anak  sa loob ng kanilang bahay dahil bibili siya ng ulam. 

Ilang minuto pa ang lumipas ay sumiklab na ang apoy sa kanilang kalapit bahay. Nakatakbo palabas ng bahay ang isa sa mga anak ni Jordan pero naiwan ang sanggol sa loob.

Sugatan din si Jordan nang tangkain pang    iligtas ang bunsong anak, subalit huli na ang lahat dahil kasama na ito sa natupok ng apoy.

Mabilis na kumalat ang apoy dahil gawa lamang sa light materials ang mga kabahayan kung saan 29 pamilya ang naapektuhan.

 Nabatid na umabot sa ikalawang alarma ang sunog at idineklarang fireout dakong  alas-9:12 kamakalawa ng gabi.

Show comments