MANILA, Philippines — Hindi alagad ng Simbahan kundi miyembro ng ‘Sputnik gang ‘ ang dinakip ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) na 38-anyos na lalaki nang ireklamo ng mga biktima sa pagpapanggap na pari, habang nagbebendisyon ng mga imahe ng Santo sa isang bahay, sa Tondo, Maynila, nitong Linggo.
Sinabi ni MPD-Station 1 commander, Supt. Reynaldo Magdaluyo, alas- 3:50 ng hapon, kamakalawa nang arestuhin ng kaniyang mga tauhan ang suspek na si Marlon Ponterez, residente ng Brgy. Bangas, Lauan, Laguna, na nakasuot pa ng kulay puting abito, may dalang plastic na botelya na naglalaman umano ng holy water at Bibliya, sa isang bahay sa Happyland, Brgy.105, Tondo, Maynila .
Sinamsam ng mga awtoridad ang hawak na Bibliya at holy water umano na kinuha pa sa Bundok Banahaw at ang Bibliya na may mga nakaipit na perang tig P100 at P20 bills.
Nagbabahay-bahay umano ang suspek habang nakasuot ng abito at nag-aalok na magbebendisyon sa mga imahe ng mga Santo, kasama ang dalawang babaeng kaanak.
Nakumbinsi naman ang ilan dahil nagkataong Pista ng Santo Bakhita sa kanilang lugar subalit nagduda umano nang mapansin na iniipit sa mismong Bibliya ang mga perang nakokolekta, na hindi umano normal na gawain ng isang lehitimong pari.
Aminado rin ang suspek na ginagawa niya ang pagbabasbas sa mga Santo sa mga karatig lugar ng Laguna.
Bukod sa hindi naman dumaan sa anumang proseso at training bilang pari, nakitaan pa ng mga tattoo na ‘Sputnik Gang ‘at sa beripikasyon ay dating nakasuhan at nakulong sa kasong carnapping.
Nakatakdang ipagharap sa Manila Prosecutor’s Office si Ponterez ng paglabag sa kasong Estafa, Grave Coercion at Usurpation of Authority.