MANILA, Philippines — Kalaboso ang isang 42-anyos na vendor nang matukoy na may dalang sumpak na kargado ng bala habang nasa labas ng Minor Basilica of the Black Nazarene, sa Quiapo, Maynila, kamakalawa ng hapon.
Nakilala ang nadakip na si Peter Coderias, tindero ng rosaryo, at residente ng Area 3 Samadores Luzon Avenue, Old Balara, Quezon City, sa reklamong paglabag sa Republic Act 10591 o Illegal possession of firearm and ammunition.
Sa ulat ni PO1 Niel Patrick Galiza ng Manila Police District-Station 3, dakong-12:50 ng hapon nitong Linggo nang arestuhin si Coderias sa Quezon Boulevard, sa tabi lamang ng Quiapo church.
Nagsasagawa umano ng clearing operations ang mga guwardiya at K9 handlers ng simbahan nang tumunog umano ang metal detector nang madaanan ang bag na nakasabit sa gilid ng simbahan.
Kinuha ang bag at muling itinabi ang metal detector at nakumpirma na may metal kaya inalam kung kanino ang bag at natukoy ang suspek.
Inako ng suspek na sa kaniya ang bag kaya agad na pinabuksan at doon lumantad ang isang sumpak na may dalawang 12-gauge live ammunition.