MANILA, Philippines — Libu-libong pasahero ang dumagsa kahapon sa mga terminal ng bus sa lungsod ng Quezon upang makauwi sa kani-kanilang probinsya para sa pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon.
Madaling araw pa lamang ay mahaba na ang pila sa mga bus terminal pero walang katiyakan sa ibang pasahero na makauwi para sa Pasko dahil sinasabihan sila ng mga booth operator na halos lahat ng ng biyahe ay “fully booked” o puno na.
Sa kabila nito, marami pa rin sa mga pasahero ang nananatili sa Araneta Center Bus Terminal at Araneta Center Bus Port, at umaasang makakatsamba ng biyahe.
Ilan sa mga pasahero ay noong Sabado pa ng hapon nag-aabang ng biyahe pero nananatiling walang masakyan na pauwi sa kani-kanilang probinsiya, partikular sa patungo ng Bicol area at Visayas.
Nakikiusap na ang maraming pasahero na isingit na sila kahit nakatayo lamang o kaya’y nakaupo sa sahig ng bus pero hindi pumapayag ang mga bus driver dahil umiiwas sa overloading.
Tinatayang nasa 2,500 hanggang 3,000 ang bilang ng mga pasaherong nasa mga bus terminal sa Cubao kahapon araw ng Linggo.
Bunsod nito ay mahigpit ang ginagawang pagbabantay ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) sa mga nasabing bus terminal.