MANILA, Philippines — Ilang kalye ang isinara simula kaninang madaling araw ng Miyerkules hanggang sa Nobyembre 2 bilang paghahanda sa inaasahang pagdagsa ng mga magtutungo sa Manila South Cemetery sa Makati City ngayong Undas.
Base sa abiso ng Makati Public Safety Department (MAPSA), sinara sa mga motorista ang Kalayaan Avenue, mula Zapote hanggang N. Garcia; mula naman South Avenue hanggang Metropolitan Avenue, JP Rizal St., mula Vito Cruz hanggang South Avenue at Zapote St., Pililia hanggang Zapote, JP Rizal at Kalayaan Avenue.
Dahil dito gagawing 2 way traffic ang JP Rizal St. mula Pasong Tirad St. hanggang Makati Avenue, Kalayaan hanggang mula Pasong Tirad at Zapote Sts.
Gagawin namang one way ang N. Garcia hanggang Metropolitan Avenue hanggang Makati at South Avenues.
Suspendido naman ang number coding sa Makati City mula Nobyembre 1 hanggang 2 .
Samantala, magbibigay naman ng libreng sakay ang pamahalaang lungsod ng Muntinlupa sa kanilang mga residente na magtutungo ng mga sementeryo.
Nabatid kay Tez Navarro, chief ng Muntinlupa Public Information Office (PIO), magtatalaga sila ng mga electronic jeepney, city bus at 18 flexi-trucks sa kahabaan ng National Road mula Sucat hanggang Brgy. Tunasan.
Ito ay para maihatid ang mga taga-Muntinlupa na dadalaw sa anim na sementeryo na nasasakupan ng lungsod.
Magsisilbing mga pick up points ng free shuttle ay ang Susana Heights Bus Terminal papuntang Everest Hills Memorial Park, ang Plaza Central papuntang Japanese Cemetery, Caltex Station sa Soldiers Hills na papuntang Muntinlupa City Public Cemetery, Aglipay Cemetery at Sucat East Service Road papunta naman sa San Nicolas De Tolentino Cemetery.
Simula ngayong araw na ito ng Miyerkules (Oktubre 31) ang libreng sakay at tatagal hanggang Nobyembre 1, mula alas-6:00 ng umaga hanggang alas-11:00 ng gabi. Sabi pa ni Navarro, bukod sa libreng sakay ay mamamahagi rin sila ng libreng kandila, tubig at medical assistance.