Namemeke ng ATM, credit cards timbog sa NBI
MANILA, Philippines — Bumagsak sa kamay ng mga ahente ng National Bureau of Investigation-Cyber Crime Division, (NBI-CCD) ang isang lalaking gumagawa ng mga pekeng ATMs at-credit cards sa isinagawang operasyon, kamakailan sa Bonifacio Global City sa Taguig.
Nakumpiska sa suspek na si Gerard Joseph Liwag, ang 80 piraso ng iba’t ibang credit cards, pekeng pasaporte, card printer, embossing machine, high-definition printer, removable storage device, skimming device, laptops, point-of-sale card terminal, USB hub at mga blank cards.
Isinagawa ng NBI ang operasyon sa isang condominium sa nabanggit na lugar sa bisa ng arrest order ng Pasig RTC base sa reklamo ng isang commercial bank na hindi tinukoy ang pangalan dahil sa paggamit ng pekeng ATM at credit cards.
Si Liwag ay bahagi ng sindikato na ang target ay malls at casino sa Metro Manila at Metro Cebu.
Ayon sa NBI, modus operandi umano ng suspect ang pagkuha ng mga credit card information sa pamamagitan ng call centers at iba pang skimmers sa ibang business establishment para alamin kung magkano ang available limits, at expiry date ng mga nakopya nilang credit cards.
Si Liwag ay isinailalim na sa inquest proceedings sa Department of Justice (DOJ) sa kasong paglabag sa Access Device Regulation Act of 1998 may kaugnayan sa Cybercrime Prevention Act of 2012.
- Latest