Bomb threat sa Unibersidad de Manila
MANILA, Philippines — Nagbabala kahapon si Manila Police District (MPD) director, Chief Supt. Rolando B. Anduyan sa mga mamamayan na huwag gawing biro ang pagpapadala ng ‘bomb threat’ dahil seryoso ang kapulisan na sampahan ng kaukulang kaso ang sinumang matutukoy na may kagagawan.
Ito’y kasunod ng panibagong bomb threat na kumalat sa Unibersidad De Manila (UDM), sa Arroceros St., Ermita, Maynila, alas-10:25 ng umaga kahapon na nagdulot ng tensyon at dahilan upang agad na rumesponde ang Explosive Ordnance Division (EOD) ng MPD at agad na pinalabas ang mga estudyante at mga staff para sa pagrikisa.
Gayunman, matapos na siyasatin ang buong paligid ay negatibo naman sa anumang uri ng pampasabog.
Batay sa mensaheng natanggap ng isang guro, may bomba umanong inilagay sa paligid ng UDM na sasabog anumang oras, na nagmula umano sa cellphone numbers 09157090797.
Pinabalik na sa classrooms ang mga estudyante nang ideklarang walang bomba kaya itinuloy ang mga klase.
Noong Miyerkules (Set. 26) nang arestuhin at sampahan ng reklamong paglabag sa Presidential Decree 1727 o Anti-Bomb Joke Law sa Manila Prosecutor’s Office ang Education student ng National Teacher’s College na si Lezlie Anne Orteza Bolo, 18 , residente ng Tondo at umano’y Sangguniang Kabataan chairman.
Ipinahahanap na rin ni Gen. Anduyan ang dalawang bomb threat texter na may kagagawan ng pananakot sa ilang paaralan sa Intramuros at Sampaloc, Maynila.
“Hindi dapat na palampasin ang mga ganiyang insidente, dapat sila ay makasuhan para hindi pamarisan,” ani Anduyan.
Nabatid na matapos makipag-ugnayan sa National Telecommunication ay natunton ang nasabing estudyante na siyang nagpadala ng bomb threat.
- Latest