3 bata tinangay ng agos sa Tullahan River

Nakilala ang mga biktima na sina Rhaniel Sabado, 13; kapatid na si Kerby Sabado, 8; at Jillian Salud, 11, pawang mga residente ng Brgy. Marulas, Valenzuela City.
Marc Jayson Cayabyab

MANILA, Philippines — Patuloy pa rin ang ginagawang ‘search and rescue operations’ ng Valenzuela City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) upang mahanap at marekober ang tatlong batang lalaki na tinangay ng malakas na agos sa Tullahan River nitong nakaraang Linggo.

Nakilala ang mga biktima na sina Rhaniel Sabado, 13; kapatid na si Kerby Sabado, 8; at Jillian Salud, 11, pawang mga residente ng Brgy. Marulas, Valenzuela City.

Sa inisyal na ulat ng pulisya, alas-4 ng hapon noong Linggo nang magkaya­yaan na maligo sa gilid ng Tullahan River sa may Antonette Subdivision, San Miguel Heights, Brgy. Marulas ang tatlong biktima kasama sina Joshua Casino, 11; at Jericho Balla, 9.

Bigla umanong tinangay ng malakas na agos ang tatlong biktima nang mapadako sa may kalalimang bahagi ng ilog habang nagawang makaahon nina Casino at Balla.

Agad namang rumes­ponde ang mga rescuers ng CDRRMO at Bureau of Fire Protection nang hingan sila ng saklolo ng mga opis­yales ng barangay ngunit hindi na mahagilap ang tatlong biktima. Ilang rescuer ang nagtangkang sumisid sa ilog kahit  hatinggabi ngunit bigo silang mahanap ang ang mga ito.

“May nag-try na dala­wang drivers natin na nag-dive. Ang hirap daw, sobrang dilim. Kahit ‘yung flash light namin na pang-dive, wala raw talagang makita,” ayon kay Valenzuela CDRRMO rescue officer Eduardson Oblima. Nagpatuloy ang search and retrieval operations dakong alas-6 kahapon ng umaga gamit ang mga rubber boats na sinuyod ang kahabaan ng ilog ngunit bigo na makita  ang mga bata habang isinusulat ito. 

Show comments