MANILA, Philippines — Arestado ang isang babaeng drug courier o runner ng isang ‘Ninja cop’ nang magbenta ng tinatayang P4,420,000.00 halaga ng shabu sa isang poseur-buyer sa Sampaloc, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Sa ulat ng Manila Police District-Station 4, ang suspek ay kinilalang si Amelita Sabino, na natukoy na drug courier nang nakapiit ng si P02 Jolly Lapuz Aliangan, dating nakatalaga sa Regional Anti-Illegal Drugs ng National Capital Region Police Office matapos arestuhin ng National Bureau of Investigation (NBI) noong May 26, 2016 sa paglabag sa Comprehensive Dange-rous Drugs Act of 2002 o Republic Act 9165.
Ayon kay Senior Inspector Joselito Delos Reyes, dakong alas-6:30 ng gabi nitong Martes (Setyembre 11) nang maganap ang buy-bust operation ng pinagsanib na pwersa ng Regional Drug Enforcement Unit ng NCRPO, MPD-Station 4 at Philippine Drug Enforcement Agency sa loob ng compound sa Palawan St., Sampaloc, Maynila.
Nang maibigay na ang shabu ay tinanggap umano ni Sabino ang walong bundle ng boodle money na naging hudyat para siya arestuhin.
Pitong malalaking sachet ng shabu na tumitimbang ng 659 gramo ang nasamsam mula kay Sabino.
Nabatid na ang amo ni Sabino na si PO2 Aliangan ay nakuhanan ng NBI ng mahigit P6 milyong halaga ng shabu, at 6 na sasakyan.
Tinutugis pa ang isang alyas Diane na anak umano ni Aliangan at hinihinalang nagbabagsak naman kay Sabino ng iligal na droga. Hinihinalang ang nakakulong na ama pa rin nito ang nagmamando para sa pagsusuplay ng shabu sa Metro Manila at Calabarzon.