MANILA, Philippines — May kabuuan nang 209,959 tambay sa Metro Manila ang nadakip ng pulisya mula nang ipatupad nila ang mga ordinansa ng mga lungsod sa National Capital Region.
Hanggang kahapon, 28 tao na lang ang nananatiling nakakulong dahil mayorya sa kanila ay binalaan, minultahan o kinasuhan sa korte, ayon kay National Capital Region Police Office Chief Director Guillermo Eleazar.
Sinabi pa ni Eleazar na 12,687 tao ang naaresto sa pag-inom ng alak sa mga pampublikong lugar; 73,542 sa paglabag sa smoking ban; 18,718 ang walang suot na damit pang-itaas; 18,266 sa paglabag sa curfew, at 86,764 para sa paglabag sa ibang mga ordinansa.
Nangunguna ang Quezon City Police District sa may pinakamaraming nadakip na mga tambay sa bilang na 99,040 habang pangalawa ang Eastern Police District sa bilang na 54,577.
Ang Manila Police District ay nakadampot ng 22,963 tao, ang Southern Police District ay 19,903 habang ang Northern Police District ay 13,476.
Nakapagbigay ng babala ang QCPD sa 87,180 violator; EPD, 25,976; SPD - 13,799; MPD - 11,213; at NPD- 8,231.
Nanguna sa dami ng pinagmultang violator ang EPD na nasa ilalim ni Senior Superintendent Bernabe Balba sa bilang na 28,588; SPD- 5,519; NPD- 5,245; QCPD- 322 habang wala naman sa MPD.
Sa bilang ng mga violator na kinasuhan sa korte, ang MPD sa ilalim ni Chief Superintendent Rolando Anduyan ay mayroong 11,750; pangalawa ang QCPD- 11,538; SPD- 585; EPD- 13; at NPD- zero.