2 karnaper todas sa shootout sa QC
MANILA, Philippines — Dalawang hinihinalang notoryus na miyembro ng carnapping gang ang napaslang matapos na manlaban sa mga operatiba ng pulisya sa naganap na shootout sa Quezon City, kahapon ng madaling araw.
Ayon kay QCPD Director P/Chief Supt. Joselito Esquivel Jr., kasalukuyan pang inaalam ang pagkakakilanlan ng dalawang suspect na tinatayang nasa 30 taong gulang na may taas na 5’ at 5’6 talampakan. Ang mga ito ay nakasuot ng shorts, kulay berde at abong long sleeve shirts na kapwa may tattoo sa kanilang dibdib.
Bandang alas-4:55 ng madaling araw nang makasagupa ng mga operatiba ng Police Station (PS) 6 ang grupo ng mga kalalakihan habang tsina-tsap-chop ang isang tricycle na pinaniniwalaang kinarnap ng mga ito malapit sa isang gasolinahan sa Payatas Road sa panulukan ng San Miguel St., Brgy. Payatas ng lungsod.
Nang akmang sisitahin ng mga nagpapatrulyang pulis ay agad silang pina-putukan ng mga suspek na nauwi sa shootout.
Kapwa dead on the spot ang dalawa habang nakatakas naman ang dalawa pa nilang kasamahan.
Narekober sa crime scene ang dalawang cal .38 revolver na may mga bala, tatlong sachet ng shabu, sari-saring cartridge ng 9MM, isang Honda TMX tricycle na may plakang 4985 XL, may body number 667 at may markings na “Commonwealth Toda”.
- Latest