400 kilong ‘botcha’ nasabat sa Divisoria
MANILA, Philippines — Nasabat ng Veterinary Inspection Board (VIB) Manila ang nasa 400 kilo ng double dead o botchang karne ng baboy na itinitinda sa Divisoria market kahapon ng madaling araw.
Sorpresang nag-inspeksiyon ang VIB sa kahabaan ng CM Recto Avenue sa pagitan ng Ilaya at Juan Luna nang madatnan ang mga nakalatag at nakabayong na karne sa Recto Avenue, na itinitinda umano ng ambulant vendor.
Naglaho umano ang mga vendor at naiwan ang mga paninda na kinumpiska ng VIB.
Nakita na hindi maayos ang pagkatay sa mga karne dahil madugo, nangangamoy at naninilaw na at may mga parte pa ng karne na hindi natatanggalan ng mga balahibo.
Pinaniniwalaang nagmula sa lalawigan ng Bulacan ang mga double dead na karne na hindi dumaan sa Meat Inspection Board dahil walang tatak.
May presyo lamang na P120 kada kilo ang botcha na higit na mas mura kumpara sa standard price na P220 kada kilo.
Muling binalaan ng VIB ang mga vendor ng botcha na kung sila ay mahuhuli ay pagmumultahin ng mula P100,000 hanggang P1-milyon at maaaring makulong ng 6 na buwan hanggang 12 na taon.
- Latest