MANILA, Philippines — Nagbukas na ang pintuan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) main office sa Quezon City para mamahagi ng cash cards sa mga jeepney operator at drivers sa ilalim ng Pantawid Pasada Program ng pamahalaan.
Bukas ang LTFRB para mamahagi ng cash cards mula alas 8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon na may halagang P5,000 na tulong ng pamahalaan sa jeepney sector na naapektuhan ng oil price hike at excise tax.
Ang mga beneficiary ng programa ay maaa-ring makita sa website ng ahensiya sa ltfrb.gov.ph o maaaring tumawag sa LTFRB hotline 0921 448 7777 para sa mga katanungan hinggil dito.
May 10,000 operator at driver ng jeep ang makakatanggap ng naturang benepisyo.
Dapat sana ay naipamahagi na ang cash cards noong nagdaang linggo pero naipagpaliban dahil gagawin ng lump sum o buong P5,000 ang ilalaman sa cash cards at hindi na P833 kada buwan .
Binigyang diin naman ng ibang jeepney operators na sana ay hindi cash card na may laman na P5,000 ang naipamahagi ng pamahalaan kundi dapat sanay pautang para makabili sila ng bagong jeep na pampasada.
Matinding epekto anya sa kanila ang jeepney phase out na ginagawa ng pamahalaan sa kabila na pinapa-kundisyon lamang ang isip nila na lumamig sa isyu dahil sa naibibigay na cash cards.