368 pamilya nasunugan sa Maynila

Binisita ni Special Assistant to the President Christopher ‘Bong’ Go ang mga naging biktima ng sunog sa Geronimo St., Brgy. 432 sa Sampaloc, Maynila kamakalawa ng gabi. Namigay si SAP Go ng pagkain at iba pang pangunahing panga-ngailangan sa mga biktima ng naturang sakuna. Siniguro rin nito na mapupuntahan agad ng concerned agencies, tulad ng DOH, DSWD at Office of the President ang nasabing lugar para alamin pa ang kanilang pangangailangan.

MANILA, Philippines — Mahigit sa libong indibi-dwal o nasa 368 pamilya ang nawalan ng tirahan sa sunog na umabot sa halos walong oras sa Sampaloc, Maynila.

Nabatid sa ulat na ipinada-la ng Bureau of Fire Protection kay Supt. Erwin Margarejo, hepe ng Public Information Office, nagsimula ang nasa-bing sunog nitong nakalipas na Linggo sa 3-palapag na bahay na matatagpuan sa Geronimo St., Sampaloc, Maynila, sakop ng Barangay 432, Zone 49.

Ala-1:40 ng madaling araw na kahapon nang ideklarang fire-out ni Fire Senior Inspector Hector Agaduli.

Nabatid na  dahil sa na-ging relocation area ang Moises Salvador Elementary School, pansamantalang nakansela ang klase doon. Umabot kasi ng halos isang libo ang nanunuluyan sa paaralan habang ang iba ay nasa gilid ng mga bahay na nasunog nagtayo ng kani-kanilang mga pansamantalang tuluyan.

Patuloy naman ang imbestigasyon sa nasabing sunog at kinukumpirma ang napaulat na nagsimula sa bahay ng isang Elpidia Feli­ciano ang apoy dahil sa na­pabayaang sinaing ng okupanteng pamilya ni Bryan Sevillano.

Wala namang nasawi o nasugatan sa pagkasunog ng nasa mahigit-kumulang na 60 bahay.

Inaasikaso na ng mga kinatawan ng Department of Social Welfare and De­ve­lop­ment (DSWD) ang pagbibigay ayuda sa mga apektadong residente.

Show comments